Pagtulong sa mga Batang Kapus-Palad – Kawanggawa ng XM sa Manila

Nakapaskel Disyembre 2, 2019 ng 8:53 am GMT. Magbasa Pa Balita

Isa sa mga pangunahing bahagi ng kawanggawa ng XM ay ang pakikipag-ugnayan sa mga internasyonal na organisasyong tumutulong sa kapakanan ng mga batang nangangailangan.

Ilang araw matapos ang pagbibigay namin ng donasyon sa isang organisasyon sa kapital ng Malaysia, nagsagawa naman kami ng kaparehong kawanggawa sa Manila ngayong Nobyembre, sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa Virlanie Foundation, isang non-profit na kasalukuyang kumukupkop at sumusuporta sa daan-daang batang lansangan sa Pilipinas.

Ang mga dedikado naming miyembro na sinalubong ng mga kinatawan ng Virlanie noong Nobyembre 25, ay nagbigay ng mga pagkain, kagamitang pangkalinisan at pangkalusugan, at mga damit sa Masaya Home upang makatulong sa pagpapabuti ng araw-araw na kalidad ng buhay ng mga kabataan. Sa pag-asa na positibong makakadagdag ang aming kontribusyon sa buhay ng ilan sa mga naghihikahos at kapus-palad na bata sa Pilipinas, gusto naming pasalamatan ang Virlanie dahil sa kanilang mabuting pakikitungo at kahandaang makipagtulungan para sa isang marangal na layunin.

Dahil may mahigit tatlong milyong taong walang tirahan at mahigit 1.5 milyong batang lansangan sa Pilipinas, napakahalaga ng anumang tulong na maibibigay. Ang mga apektadong kabataan ay direktang nalalagay sa panganib ng matinding karamdaman, droga at prostitusyon. Ang mga organisasyon gaya ng Virlanie ay araw-araw na nagsisikap upang makalikom ng pondo para sa mga batang may edad 7-12 na desperadong nangangailangan ng ligtas na tirahan at kalinga ng pamilya. Katuwang ng XM, mas napapatibay pa ang kanilang pagsisikap para matugunan ito.